Pinasaringan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang administration officials dahil sa pagbibigay ng Scarborough o Panatag Shoal sa China noong 2012.
Noong 2012, nag-isyu ng brokered agreement ang Estados Unidos para sa mga barko ng Pilipinas at China na payapang umalis sa Panatag Shoal, sumunod dito ang Pilipinas pero nagmatigas ang China.
Ito ang nagtulak sa Aquino administration na maghain ng reklamo laban sa China sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague.
Sa kanyang Talk to the Nation Address, binatikos ni Pangulong Duterte sina dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario at dating Philippine Ambassador to the United States Jose Cuisia Jr. dahil sa hindi katanggap-tanggap na pag-atras ng mga barko ng Pilipinas noong 2012 Panatag standoff.
Kinuwestyon din ni Pangulong Duterte ang pagsunod nila sa Estados Unidos na namagitan lamang sa sigalot.
Dagdag pa ni Pangulong Duterte na hinayaan lamang ng China na angkinin ang lugar bilang kanilang teritoryo.
Si Cuisia aniya ang nagsabi kay Del Rosario patungkol sa US-brokered deal, at inilihim ito sa publiko.
Dismayado rin si Pangulong Duterte sa mga opisyal ng nakaraang administrasyon dahil sa madali silang nahulog sa salita ng Estados Unidos.
Dapat aniya nagtakda ang mga dating opisyal ng parameters kung paano ipapatupad ang pag-alis ng mga barko ng Pilipinas sa lugar.
Bukod dito, hindi dapat umalis ang mga Philippine vessel sa Panatag Shoal kung hindi pa nagkukusa ang China na umalis sa lugar.
Una nang iminungkahi ni Pangulong Duterte na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa pag-pull out ng mga barko ng Pilipinas sa nasabing bahura.