Sa halip na magpabakuna gamit ang Sinovac vaccine na donasyon ng China, inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na humiling siya ng iba pang brand ng COVID-19 vaccine.
Matatandaang sinabi ng Malacañang na gusto ng Pangulo na magpabakuna ng Sinopharm vaccines na mula rin sa China subalit wala pa itong application para sa emergency use ayon sa Food and Drug Administration (FDA).
Ayon kay Pangulong Duterte, humingi siya ng ‘personal’ supply ng bakuna para sa kanya, pamilya niya at posibleng sa ilang miyembro ng gabinete.
Inirerekomenda ng kanyang doktor ang isang vaccine brand na hindi na niya tinukoy, na isang Chinese brand.
Bagama’t hindi siya makatatanggap ng Sinovac vaccines, tiniyak ng Pangulo na epektibo ang bakuna laban sa COVID-19.
Hinikayat din ng Pangulo ang mga tao na humingi ng payo sa kanilang mga doktor sa kung anong bakunang pwedeng iturok sa kanila.