Nasa lamesa na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na isailalim ang buong Luzon sa state of calamity.
Ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa press briefing nito kanina.
Ayon sa kalihim, wala pang desisyon dito ang Pangulo at mainam na hintayin na lamang ang pronouncement hinggil dito ng Presidente.
Pero ang tiyak na maisasailalim sa state of calamity ani Roque ay ang mga lugar sa Luzon na matinding naapektuhan ng magkakasunod na bagyo.
Matatandaang sa rekomendasyon ng NDRRMC, napagkasunduan nilang mapasailalim sa state of calamity ang buong Luzon dahil sa tindi nang pinsalang iniwan ng mga Bagyong Quinta, Rolly, at Ulysses.
Layon nitong mabigyan ng easy access ang mga local government units sa paglalabas ng pondo para sa relief and rehabilitation efforts ng pamahalaan.