Pangulong Duterte, payag sa face-to-face learning sa itinuturing na low risk areas

Aprubado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng face-to-face learning sa mga estudyante sa tinaguriang low risk areas o wala talagang kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.

Sa ulat sa bayan ng Pangulo kanina, sinabi nito na payag siya sa nasabing rekumendasyon.

Sa presentasyon ni Department of Education Secretary Leonor Briones kanina, papayagan nila ang pagsasagawa ng limited face-to-face learning sa ilang kondisyon.


Ayon kay Briones, mahigpit na ipatutupad ang health standard protocols, kailangan ding kaya ng mga silid-aralan na magsocial distancing ang mga bata, magkaroon ng mga barrier, may sapat na pasilidad lalo na ng tubig para sa proper hand hygiene, ligtas ang paaralan sa iba pang kalamidad at sakuna at handa maging ang Local Government Units (LGUs) na magbigay suporta sa pamamagitan ng Special Education Fund.

Matatandaang una nang lumutang ang limited face-to-face learning sa ilang low risk areas sa mga nakalipas na cabinet meeting dahilan para atasan ni Pangulong Duterte ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na magsumite ng kanilang position paper hinggil sa nasabing learning scheme.

Facebook Comments