Isinulong ni Senate President Tito Sotto III na mabigyan si Pangulong Rodrigo Duterte ng awtoridad para akuin, sa ngalan ng pambansang pamahalaan, ang pananagutan sakaling magkaroon ng hindi magandang epekto ang COVID-19 vaccine.
Nakapaloob ito sa Senate Bill No. 2056 na inihain ni Sotto na tugon sa hiling ng vaccine manufacturer na tiyaking wala silang magiging pananagutan sa anumang hindi kanais-nais na idudulot ng kanilang bakuna.
Itinatakda ng panukala ang garantiya ng Pangulo na sagot ng pamahalaan ang kompensasyon kapag may nagkasakit, naospital o nasawi dahil sa bakuna.
Pero labas dito kung matutukoy na may depekto sa kalidad ng bakuna at nagkaroon ng willful misconduct ang manufacturer ng bakuna.
Hangad din ng panukala ni Sotto na mapawi ang pangamba ng publiko sa pagpapabakuna.
Nasa panukala din ang pagtatag ng vaccine indemnification fund na ang pondo ay kukunin sa taunang budget ng Department of Health at Philippine Health Insurance Corporation at pangangasiwaan ng Department of Finance.