Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang sasalubong sa airport ng pagdating ng Sinovac COVID-19 vaccines sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, bahagi ito ng pagtanaw ng utang na loob dahil ang China ang kaagad na nagpahayag ng kahandaang magbigay ng bakuna sa bansa sa panahon ng pangangailangan.
Batid aniya ng publiko na nag-aagawan ang maraming bansa sa mundo para makakuha ng bakuna at malaking bagay na isa ang Pilipinas sa binigyang prayoridad ng China.
Sinabi naman ni Roque na kwalipikado si Vice President Leni Robredo na maturukan ng Sinovac COVID-19 vaccine dahil hindi pa naman siya senior citizen.
Ang edad ni Robredo na 55 ay tama lamang sa “age range” kung saan para sa Food and Drug Administration (FDA) ay epektibo ang Sinovac.
Una nang binigyan ng FDA ng Emergency Use Authorization (EUA) ang Sinovac na mayroong 65.3% hanggang 91.2% efficacy rate sa clinically healthy individuals na may edad na 18 hanggang 59 taong gulang.
Pero hindi ito inirerekomenda ng FDA na gamitin sa mga health workers dahil ang efficacy rate nito ay 50% lang sa nasabing grupo.