Nagkausap na sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang dating Senador Leila de Lima matapos ang insidente ng hostage taking sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame nitong Linggo.
Sa ambush interview sa Philippine International Convention Center (PICC), sinabi ni Pangulong Marcos Jr., na nagkausap sila sa telepono ni dating Senador De Lima sa pamamagitan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos.
Ayon sa pangulo, tinanong niya ang senadora kung ito ba ay nakakaramdam na hindi ligtas sa PNP Custodial Center para mailipat nang ibang pasilidad kung hindi.
Pero ang sagot daw ng senadora ay hindi na kailangang ilipat pa sa ibang custodial facility.
Kaugnay nito ayaw naman makiaalam ng pangulo sa kaso ng dating senador at ito ay ipinauubaya niya na sa korte.
Aniya, hindi siya nagdududa sa proseso ng korte kaya sa panig ng Malakanyang ay ipagpapatuloy lamang nila ang monitoring sa takbo ng kaso ni Senator De Lima.
Kamakailan lamang, hinostage ng tatlong bilanggo si De Lima.
Napatay ng mga pulis ang tatlong hostage taker habang nakaligtas naman si De Lima.
Taong 2017 nang arestuhin sa De Lima dahil sa pagkakadawit nito sa kaso ng illegal drug trafficking sa New Bilibid Prison.
Nakulong si De Lima sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.