
Sinuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang excise tax sa LPG at kerosene dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa ilalim ng Executive Order No. 125, sakop ng suspensiyon ang LPG, maliban kung ginagamit bilang raw material sa paggawa ng petrochemical products o bilang fuel sa sasakyan.
Sakop din ang kerosene, maliban kung ginagamit bilang aviation fuel.
Batay sa kautusan, umabot sa US$99.41 kada bariles ang average price ng Dubai crude oil sa nakalipas na 30 araw, lampas sa US$80 kada bariles na threshold para sa suspensyon ng excise tax.
Agad na epektibo ang kautusan matapos mailathala at maaaring tumagal nang hanggang tatlong buwan.
Awtomatikong ibabalik ang excise tax kapag bumaba sa US$80 kada bariles ang average price ng Dubai crude oil at lumipas ang isang linggo mula sa sertipikasyon ng Department of Energy.










