Pangulong Rodrigo Duterte, walang ‘sense of urgency’ sa isyu ng West Philippine Sea; dating SC Senior Associate Justice Antonio Carpio, maghahain ng reklamo sa UNCLOS laban sa China!

Tinawag na kasinungalian ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang naging paliwanag ng Chinese Embassy hinggil sa pananatili ng halos 200 barko ng China sa Julian Felipe Reef dahil umano sa masamang lagay ng panahon.

Sa isang interview, iginiit ni Carpio na walang bagyo sa nasabing bahura nang mamataan ang mga barko.

Hindi rin aniya mga fishing vessel kundi militia vessels ang natagpuan sa bahura dahil malalaki ang mga ito, gawa sa bakal, may sattelite radio at nag-iikot lang.


Tingin ni Carpio, ginawa ito ng China dahil ayaw nito na may ibang bansa na magmay-ari sa Julian Felipe Reef na nagkataong sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Nais din ng China na magpakita ng “massive force” at takutin ang ibang bansa.

Pinuri naman ni Carpio ang hakbang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na dagdagan ang naval assets nito sa West Philippine Sea.

Umaasa siya na hindi pipigilan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hakbang na ito ng militar.

Giit pa ni Carpio, labas-masok lang sa tainga ng China ang mga inihahaing protesta ng bansa pero kung talagang seryoso ang pangulo, dapat niyang ipatawag ang ambassador ng China at pagalitan ito.

Samantala, maghahain din ng kaso si Carpio sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) laban sa panibagong aktibidad ng China.

Facebook Comments