Manila, Philippines – Pangungunahan ngayong araw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang selebrasyon ng ika 120 anibersaryo ng proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas.
Gagawin ang nasabing aktibidad sa Emilio Aguinaldo Shrine sa Kawit Cavite alas – 8 ng umaga mamaya kung saan inaasahang makakasama ni Pangulong Duterte ang ilan sa kanyang gabinete, matataas na opisyal ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines at ang mga descendants ng mga bayani ng bansa.
Matatandaan na noong nakaraang taon ay biglaang hindi nakadalo si Pangulong Duterte sa selebrasyon ng anibersaryo ng Kalayaan ng bansa at si Vice President Leni Robredo ang nanguna sa pagtataas ng watawat ng Pilipinas sa Rizal Park sa Luneta.
Mamayang hapon naman ay pangungunahan din ni Pangulong Duterte ang panunumpa ng mga bagong halal na barangay officials at gaganapin ito sa Clark Pampanga.
Matatandaan na binalaan ni Pangulong Duterte ang mga barangay officials na sisibakin sa posisyon kapag napatunayan na hindi umaaksyon ang mga ito para labanan ang iligal na droga sa kanilang mga Barangay.