Binuweltahan ng kampo ni dating Senador Bongbong Marcos ang hirit ng kampo ni Vice President Leni Robredo na desisyunan na ang election protest nito.
Una rito, sinabi ng abogado ni Robredo na si Atty. Romulo Macalintal na walang nangyaring dayaan sa halalan dahil tugma ang resulta ng recount at revision ng mga balota sa resulta na lumabas sa vote counting machines.
Katunayan, lumamang pa nga lalo ng 15,000 boto si Robredo kay Marcos.
Pero ayon sa tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez, cover up lang ito ng kampo ni Robredo sa pagkwestiyon ng Commission on Audit sa paggamit ng OVP sa pondo ng Angat Buhay Program.
Partikular dito ang usapin sa mahinang pagkakaplano ng proyekto at kakulangan sa mga dokumento.
Nilinaw din ni Rodriguez na wala pang inilalabas na official findings ang Presidential Electoral Tribunal hinggil sa figures sa recount at revision ng mga balota sa resulta na lumabas sa Vote Counting Machine (VCM).