Manila, Philippines – Kinwestiyon ni Senador Nancy Binay ang sinisingil na dagdag pasaning P50 ng telecommunication companies o Telcos para sa buwanang paper billing sa pamamagitan ng koreo o “snail mail.”
Ipinunto ni Senator Binay na kung mayroon mahigit 4 milyong post-paid subscribers ang isang Telcos, at kalahati nito ay nais pa rin ang tradisyunal na paper billing, ay aabot sa P100 milyon buwan-buwan ang dagdag na kita ng mga Telcos.
Kaugnay nito ay inihain ni Binay ang Senate Resolution No. 521 na naglalayong paimbestigahan ang nabanggit na dagdag singil sa paper billing ng mga Telcos.
Giit ni Binay, ang dagdag singil na ito ay taliwas sa nakasaad sa Republic Act No. 7394 o mas kilalang Consumer Act of the Philippines na nagsasabing dapat protektahan ang interes ng mga consumers.
Dagdag pa ni Senator Binay, hindi makatarungan ang dagdag singil na ito sa subscribers, lalo na sa mga hindi naman techy na may edad na at iyong mga wala namang maayos na koneksyon sa internet tulad sa mga taga-probinsya.
Nauunawaan ni Senator Binay ang layunin ng paperless billing na mapangalagaan ang kalikasan pero dapat aniya ay isaalang-alang pa rin ang kapakanan ng ating mga kababayan.