*CAGAYAN- *Inside job ang nakikitang motibo ng kapulisan sa nangyaring Panloloob ng mga limang armadong kalalakihan sa main branch ng Metrobank sa Tuguegarao City kagabi dahil wala umanong nangyaring resistance mula noong pumasok sa bangko ang mga kawatan.
Batay sa ulat ni RMN Correspondent Rodel Ordillos, agad umanong pinagbuksan ng dalawang gwardiya matapos kumatok sa pintuan ang limang kalalakihan na nagpanggap na mga pulis at magsasagawa ng inspeksyon kaya’t dinis-armahan ang mga gwardiya.
Agad umanong umakyat sa ikalawang palapag ang mga nagpakilalang pulis na kasalukuyan namang nagbibilang ng pera ang mga nasa limang teller at dito idineklara ang holdap na agad ring umalis matapos malimas ang nasa 35 milyong piso lulan ang isang puting Toyota Grandia van.
Malaki naman umano ang pagtataka ng mga residente sa naturang lugar dahil sa oras na pag-iinspeksyon ng mga nagpakilalang pulis at maging sa dalawang gwardiyang nakabantay na dapat nagpaabiso muna sa kanilang manager bago pinapasok ang mga suspek.
Sa ngayon ay kinunsidera munang suspek ang lahat ng mga empleyado at gwardiyang nakaduty sa araw na iyon na ngayon ay nasa kustodiya na ng PNP Tuguegarao City habang pinag-aaralan muna ng mga otoridad ang nakuhang CCTV Footage sa naturang lugar at abala naman sa pagsisiyasat ang mga kapulisan hinggil sa naturang pangyayari.