Kahit abot na sa windshield ang baha, sinubukan pa din i-arangkada ng isang drayber ang minamanehong SUV sa Claveria, Cagayan.
Sa ibinahaging bidyo ni Brylle Sandiko, makikitang sinagupa nila ang mala-dagat na baha habang binabaybay ang isang parte ng naturang bayan, Biyernes ng hapon.
Ilang sandali pa, pumasok na sa loob ng sasakyan ang mataas na tubig.
Pero itinuloy niya ang pagharurot hanggang sa tuluyang malampasan ang peligrosong kalsada.
Kuwento ng uploader, puwedeng lumalim ang baha doon dahil sa matinding pag-ulan kaya pinili niyang sumuong.
Ayon kay Sandiko, imposible na silang makabalik dahil lubog na rin ang ibang daanan. Mayroon din “snorkel” ang kotse niya kaya hindi ito bumigay.
Matatandaang naging viral sa internet ang video ng isang bus na pilit tumawid sa rumaragasang baha sa Abulug, Cagayan noong Sabado.
(BASAHIN: Bus, lumusong sa mala-dagat na baha)
Nasa ilalim ng state of calamity ang lalawigan ng Cagayan dulot ng masungit na panahon.