Kayang-kaya nang ipaalam ng asong si Stella ang iniisip o nararamdaman nito sa kanyang amo — mapatungkol man sa pagkain, laruan, at tulog.
Higit 20 salita na ang alam ng 18-buwan gulang na Catahoula at Blue Heeler mix sa pamamagitang ng isang soundboard na ginawa ng amo nito.
Ito ang naisip na paraan ng speech-language pathologist na si Christina Hunger mula sa San Diego, California para pagsamahin ang pagmamahal sa mga aso at pagkahumaling sa augmentative and alternative communication (AAC), ayon sa ulat ng People.
Sinimulang turuan ni Hunger si Stella na “sabihin” ang nararamdaman gamit ang button board noong walong linggong gulang pa lamang ito.
May katumbas na salita ang bawat buton gaya ng “happy”, “outside”, “water” na ini-record at tutunog kapag tinapakan.
“Stella often tells us a two-step sequence of what she wants to do,” saad ni Hunger sa isang video sa Instagram.
Halimbawa, may mga araw na gusto raw munang kumain ni Stella bago ang lahat, at ibang araw kung kailan gusto niyang maglaro muna bago kumain.
“This morning Stella told us ‘Come eat play,’” aniya na ang ibig sabihin ay gusto raw munang kumain ng alaga bago maglaro.
Sa iba pang video na makikita rin sa IG ni Hunger na @hunger4words mapapanood ang ilang pagkakataong “sinabi” ng alaga na gusto nitong maglaro ng bola, tumambay sa labas, at ipinaalala pa sa amo na wala nang tubig sa kainan nito.
“I’m in constant amazement and shock. Every day she says something cooler than she said the day before,” pahayag ni Hunger sa People.
Bukod kay Stella, nagtuturo rin si Hunger sa mga batang edad isa o dalawang taong gulang na gumagamit din ng aparato sa pag-aaral.
“The way she uses words to communicate and the words she’s combining is really similar to a 2-year-old child,” aniya.
“I think how important dogs are to their humans. I just imagine how much deeper the bond will be.”