Usap-usapan sa internet ngayon ang boarding gate slide sa marangya at high-tech na Changi Airport Terminal 4 sa Singapore, na binuksan noon pang 2017.
Marahil ay pamilyar na ang mga lokal ng Singapore dito, pero kamakailan lang nang kumalat ito online matapos ibahagi ni Yusuf El Askary ang video ng slide experience niya, na ini-upload naman ng travel-oriented Facebook page na UNILAD Adventure.
Sa video, ipinakita ng 28-anyos na pharmacist ang pag-scan niya ng boarding pass na magbubukas ng harang bago tuluyang makapasok sa slide na maghahatid sa kaniya sa boarding gate.
“I had never seen anything like it at an airport — I couldn’t believe it was true until I actually tried it!” pahayag ni El Askary sa The Daily Mail nang tanungin tungkol sa karanasan nito.
Marami namang netizens ang namangha, nainggit, at nagsabing gusto rin masubukang magpadausdos sa slide.
Bukod dito, may nauna na ring 40-foot slide sa Terminal 3 naman ng airport na binuksan noong 2010 at tinaguriang “world’s tallest slide inside an airport.”
Para makadaan sa slide, kailangan lang ng pasahero na makagastos ng $10 o 500php sa kahit anong restaurant o tindahan sa loob ng airport.
Limitado sa 10 rides bawat resibo ang maaaring i-claim sa parehong araw na nakalagay sa resibo.