PANOORIN: Cashier, binato sa ulo ng paper bag ng isang customer

4402
Courtesy Mayeh Arbois Maralang

Viral ngayon sa social media ang video ng pamamato ng isang babae sa isang service crew ng fastfood chain sa Rosario, Cavite.

Sa CCTV footage na ibinahagi ni Mayeh Maralang, makikitang nilapitan siya sa cashier section ng nanggagalaiting customer.


Inirereklamo raw ng babae ang basang paper bag na ibinigay ng kasamahan ni Maralang.

Kumuha naman siya agad ng kapalit habang humihingi ng paumanhin sa nangyaring insidente.

Pero kahit nagpapaliwanag raw ang cashier, tuloy pa rin daw sa panglalait ang pasaway na customer.

Maya-maya pa, biglang ibinato ng kliyente ang paper bag na tumama sa ulo ni Maralang at sinabing “sumasagot ka pa”.

Natulala raw ng ilang segundo ang service crew sa ginawa ng babae kaya napatakbo na lamang siya sa crew room para umiyak.




Batay sa Facebook post ng uploader, naganap ang pamamato pasado alas-6 ng gabi noong Marso 11.

“Tama bang saktan kami? Oo customer kayo pero wala kayong karapatan para saktan kaming mga crew. Wala nga kayong ambag sa buhay namin,” ani Maralang.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang kliyenteng namato na nakunan sa CCTV.

Facebook Comments