Nakaranas ng hailstorm o pag-ulan ng yelo ang mga residente ng Marcos, Ilcoos Norte nitong Huwebes.
Sumabay sa malakas na ulan at hangin ang pagbagsak ng mga tipak ng yelo na kasing laki ng piso, batay sa kuhang video ni Rey Coloma.
Ayon sa uploader, nagtagal ang hailstorm ng 10 minuto at muling naulit pagkaraan lamang ng dalawang oras.
Sa una ay inakala niyang may inihagis na bato ang mga naglalarong pamangkin sa kanilang bubong. Pero nang lumabas siya sa bahay, tumambad sa kaniya ang pagpatak ng maraming yelo mula sa kalangitan.
Paliwanag ng PAGASA, nabubuo ang hailstorm kapag malakas ang isang thunderstorm. Mas nagtatagal kasi ang tubig sa loob ng mga ulap kaya nagiging yelo na ito. Wala na ring pagkakataong malusaw ang mga yelo kapag bumagsak na sa kalupaan.
Kadalasan nagkakaroon ng hailstorm tuwing sumasapit ang buwan ng Marso hanggang Oktubre dahil walang hanging amihan.