PANOORIN: Hanging bridge sa Kabankalan, bumagsak; 8 katao nahulog sa ilog

Photo from Erwin Badana

Nakunan ng video ang pagbagsak ng isang hanging bridge sa Brgy. Camugao, Kabankalan City, sa Negros Occidental na ikinahulog ng walong residente noong Sabado ng umaga.

Sa kuha ni Felogene Montecino, makikitang nanonood ang mga biktima ng fluvial parade para sa pista ng Sto. Niño nang biglang bumigay ang nasabing tulay.

Lumabas sa pagsisiyasat ng City Disaster Risk Reduction Management office na naputol ang kable ng isang parte ng hanging bridge, dahilan para tumagilid at bumagsak ito.


Kabilang sa mga nalaglag sa Ilog Camugao ay apat na menor de edad at isa rito ay tatlong-buwang-gulang na sanggol.

Agad naman silang narespondehan at naisugod sa Holy Mother of Mercy Hospital.

Stable na ang kalagayan ngayon ng munting anghel na nananatili sa intensive care unit (ICU) ng naturang pagamutan.

Pansamantalang isinara ang hanging bridge, na halos tatlong dekada nang ginagamit, sanhi ng aksidente.

Facebook Comments