PANOORIN: Mga bilanggong ayaw ng lockdown sa piitan, tumakas

Contributed Video

BRAZIL – Tinatayang mahigit 1,000 preso ang pumuga mula sa apat na selda, ilang araw bago ipatupad ang total lockdown sa mga bilangguan at isuspinde ang day-release program nila para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Ayon sa ulat ng Al Jazeera, inaalam pa ng Sao Paulo Secretary of Penitentiary Administration ang kabuuang bilang ng mga umeskapong bilanggo galing sa Mongaguá, Tremembé, Porto Feliz at Mirandópolis.

Kumalat din sa social media ang video ng takbuhan ng mga preso palayo sa piitan.


Posible raw nag-ugat ang naturang aksyon matapos tutulan ng mga nasasakdal ang planong pagpapaliban sa day-release program na magaganap sana ngayong Kuwaresma.

Paliwanag ng awtoridad, dapat kanselahin muna ang nasabing programa dahil malaki ang posibilidad na lumaganap ang kinatatakutang virus na puwedeng makahawa sa iba pang mga bilanggo at jail warden.

Kinumpirma ng Brazilian government na halos 200 pasyente ang positibo sa COVID-19, kung saan isa ang namatay.

Facebook Comments