PANOORIN: Tren pilit na ipinahinto dahil sa babaeng nahulog sa riles

CCTV footage courtesy of Police of the City of Buenos Aires.

Mala-pelikula ang naging eksena sa Pueyrredón subway train station sa Buenos Aires, Argentina para masagip ang isang babaeng nahulog sa riles ng train noong Oktubre 19.

Sa kuha ng CCTV, makikitang hinimatay ang lalaking commuter na kinilalang si Marcelo Bugallo, 33-anyos at aksidenteng natumbahan ang pasaherong naglalakad na nagngangalang Andrea.

Dahil sa lakas ng pagkakatumba, tumilapon si Andrea sa riles at tuluyang nawalan ng malay.


Kasabay nito, isang tren ang paparating sa naturang platform.

Kaagad sumigaw, sumenyas, at kumaway ang ilang pasaherong naghihintay para maihinto ng drayber ang pinapaandar na tren.

Mabuti na lamang at napatigil ito ng train operator na si Roxana Elizabeth Flores, 51-anyos.

Pahayag ni Flores, ginawa niya ang makapigil-hiningang aksyon dahil nais niyang mailigtas ang buhay ng babaeng nawalan ng malay.

“People signaled and I immediately saw the person on the tracks and applied the emergency brake, as the protocol says,” saad ni Flores.

Paliwanag ni Bugallo, masama ang kaniyang pakiramdam kaya biglang hinimatay. Aniya, maaga siyang umalis ng opisina upang makapagpahinga sa bahay.

Sa ngayon, mabuti na ang kalagayan ng dalawang sibilyan at labis ang pasasalamat kina Flores at mga kapwa-pasahero, na itinuturing nilang bayani.

Facebook Comments