Inihirit ni Senador Win Gatchalian sa pamahalaan ang muling pagpapatupad ng Pantawid Pasada Program bilang ayuda sa public transport sector at para maibsan ang epekto sa publiko ng dagdag presyo ng petrolyo.
Panawagan ni Gatchalian sa gobyerno, protektahan din ang mga tsuper at pasahero sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Tinukoy ni Gatchalian na posibleng umabot ng P1,422.50 ang karagdagang gastos ng mga jeepney na gumagamit ng gasolina at P598.36 naman sa mga gumagamit ng diesel.
Ayon kay Gatchalian, sa ilalim ng Pantawid Pasada Programa ay maaaring maglabas ang gobyerno ng mahigit P914.1 milyon upang punan ang dagdag na gastusin ng tinatayang 178,244 na bilang ng franchise holders ng mga pampasaherong jeep.
Nakakaalarma para kay Gatchalian ang sunod sunod na pagsipa ng presyo ng langis sa loob ng pitong linggo.
Dahil dito ay pinapa-monitor din ni Gatchalian sa Department of Energy (DOE) ang imbentaryo ng mga kompanya ng langis para masiguro ang pagkakaroon ng sapat na suplay at mapigilan ang pagtaas ng presyo ng petrolyo sa mga susunod na buwan.
Paliwanag ni Gatchalian, ang ganitong sitwasyon ay maaari pang lumala dahil bukod sa winter season na ay maraming ekonomiya sa buong mundo ang unti-unting nagbubukas at dumadami na rin ang gumagamit ng petrolyo.