Siniguro ng Philhealth Insurance Corporation o Philhealth na mas maraming Pilipino ang mabibigyan ng kalidad ng serbisyong pangkalusugan kapag ganap ng naipatupad ang Republic Act 11223 o Universal Healthcare Act.
Kabilang na diyan ang libre at murang gamot sa pangkaraniwang sakit at maintenance para sa highblood at diabetes.
Ayon kay Philhealth Acting President and CEO Dr. Roy B. Ferrer, sa ilalim ng UHC ay magiging pantay-pantay na ang matatanggap na benipisyo ng mga Pilipino ano man ang estado sa buhay.
Kaugnay nito ay kumpyansa ang Philhealth na mayroong sapat na pondo para sa implementasyon ng batas.
Tinatayang nasa P250-B ang kakailanganing budget para matugunan ang Universal Healthcare Law kung saan kukunin ito sa Sin Tax Reform Law, charity fund, PAGCOR ,stamp tax payment at premium contribution ng mga Philhealth members.
Ayon kay Ferrer, sa ngayon ay binubuo na nila ang Implementing Rules And Regulation (IRR) ng batas at hindi nila ito mamadaliin upang matiyak na ang mga programang maibibigay ay epektibo sa bawat pilipino ng hindi nakokompromiso ang budget ng Philhealth.