Inihain si Senator Joel Villanueva ang panukala para labanan ang “budol text scams” na nakakapambiktima ngayon ng maraming mamamayan, lalo na ang mga nawalan ng trabaho, na pinapangakuan ng mataas na sahod.
Nakapaloob sa Senate Bill No. 2460 na isinumite ni Villanueva ang pagbibigay sa mga phone subscriber ng karapatang pumili kung gusto nilang makatanggap o hindi ng mga promotional messages mula sa mga kompanya.
Ayon kay Villanueva, paraan ito para malabanan ang walang humpay na pagdating ng mga hindi kanais-nais na mensahe, kasama na ang mga budol scam.
Sa panukala ay malinaw ding tinukoy kung ano-ano ang mga maituturing na spam message.
Paliwanag ni Villanueva, kung maisasabatas ang panukala ay masasala ang mga SMS o e-mail na matatanggap ng mamamayan.
Diin ni Villanueva, mapaparusahan ang sinumang lalabag sa panukalang ito kapag naging batas na, lalo na ang mga tao o kompanyang patuloy na magpapadala ng text o e-mail kahit na “nag-opt out” na ang subscriber.
Inaatasan din ng panukala ang National Telecommunications Commission, National Privacy Commission at National Bureau of Investigation na tuloy-tuloy na mag-monitor para sa proteksyon ng mga konsyumer.