Isinalang na para sa pag-apruba ng plenaryo ang panukalang batas na magrerepaso sa disability pension ng mga beteranong may kapansanan.
Sa sponsorship speech ni Senator Jinggoy Estrada, tinukoy nito na ang ₱1,000 hanggang ₱1,700 na buwanang pensyon ng mga beteranong sundalo sa ilalim ng Republic Act 6948 ay hindi na nadagdagan sa nakalipas na taon.
Giit ng senador, ang nasabing halaga ng pensyon ay hindi na makatwiran sa harap na rin ng nagtataasang presyo ng mga bilihin at mga pangunahing pangangailangan.
Sabi pa ni Estrada, kung isasaalang-alang ang mataas na halaga ng pamumuhay ngayon at lagay ng kanilang kalusugan, kakarampot na lamang ang halaga nito bilang pantustos sa kanilang pangangailangan.
Itinutulak ni Estrada na maitaas ang pensyon ng mga beterano mula sa ₱4,500 na buwanang minimum na disability pension at pinakamataas na ang ₱10,000 at tig ₱1,000 sa asawa at sa bawat menor de edad na anak.
Ang pagtaas sa nasabing mga benepisyo ay ipagkakaloob sa mga kwalipikadong benepisyaryo na kabilang sa 4,386 beteranong pensyonado.