Iaakyat na sa plenaryo ang panukala na nagsusulong ng karapatan at nagbibigay ng proteksyon sa mga freelancers sa bansa.
Ito ay matapos makapasa sa House Committee on Labor and Employment ang unnumbered substitute bill na naglalayong itulak ang interes at kapakanan ng mga freelancers.
Ayon sa mga may-akda ng panukala na sina CIBAC Parylist Reps. Eddie Villanueva at Domeng Rivera, welcome development ang pagkaka-apruba sa panukala sa komite dahil magagarantiyahan na ang non-negotiable transactions sa pagitan ng mga employer at freelancer tulad ng kontrata, standard fees, schedule of payments at iba pang benepisyo.
Bukod dito ay mahaharap na rin sa multa at parusa ang mga lalabag na hiring parties o employers na hindi susunod sa oras na ito ay maisabatas.
Batay sa pag-aaral ng University of the Philippines School of Labor and Industrial Relations (UP-SOLAIR), ang Pilipinas ang ikatlo sa may pinakamaraming online freelancers sunod sa Estados Unidos at India.
Sa kabuuan ay nasa 1.5 million ang freelancers sa bansa at inaasahan pa itong lolobo sa mga susunod na taon dala na rin ng nararanasang pandemya.