Agad na pinakikilos ni Senator Jinggoy Estrada ang Senado para dinggin ang panukalang batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections sa Disyembre.
Katwiran ni Estrada, kung agad na maaaksyunan ang panukala at maaaprubahan ay hindi na magsasayang ng oras ang Commission on Elections (COMELEC) sa paghahanda.
Sakali namang hindi mapagtibay ay may panahon pa ang COMELEC para paghandaan ang halalan sa huling buwan ng taon.
Inihirit ni Estrada na agad dinggin ang panukalang pagpapaliban sa Barangay at SK-Elections lalo pa’t na-i-refer ang kaparehong panukala na unang inihain ni Senator Chiz Escudero sa komite.
Magkagayunman, si Senator Imee Marcos na Chairman ng Committee on Electoral Reforms and People’s Participation na didinig sa panukala ay may sakit ngayon na COVID-19 kaya inirekomenda na lamang na gawing ‘hybrid’ ang pagdinig at pangunahan muna ang Senate hearing ng vice chairman ng komite habang nagpapagaling si Marcos.