Suportado ng Department of Tourism (DOT) ang plano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na gawing ‘uniform’ ang travel requirements at protocols ng mga local government unit (LGU) na mayroong tourist destinations.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Tourism Undersecretary Benito Bengzon na malaking tulong sa sektor ng turismo kung maaaprubahan ng Inter-Agency Task Force ang panukala ng DILG dahil mas ma-e-engganyo ang mga Pilipino na mamamasyal sa iba’t ibang tourist destination sa bansa.
Lumabas kasi aniya sa ginawa nilang survey na 81% ng mahigit 7,000 respondents ang nagsabing ang magkakaibang protocol ng mga LGU ang pinaka-inconvenient sa kanilang pagbiyahe.
“Ang number one na dahilan na binanggit nila is yung iba’t ibang protocol at requirements ng mga LGUs. So ito ay pinag-uusapan na namin with the partners from the private sectors yung mga hotels, resorts, travel agencies, tour operators at yung mga airlines. At natutuwa naman kami dahil ipinahayag nga ng DILG that they will supports the efforts to simplify the requirements,” saad ni Bengzon.
68% naman ang nagsabing namamahalan sila sa COVID-19 testing na isa mga requirement sa pagbiyahe.
Kaugnay nito, nakipagkasundo na aniya ang DOT sa Philippine General Hospital para sa mas murang RT-PCR test.
“Nakipag-ugnayan kami sa Philippine General Hospital kung saan sina-subsidized namin yung 50% nung cost ng RT PCR so lumalabas po na P900 na lang yung cost ng testing. Meron din kaming partnership with the Philippine Children’s Medical Center, 50% din po ang subsidy,” dagdag niya.