Sa botong pabor ng 249 mga kongresista at walang tumutol ay pumasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ang House Bill 4513 o panukalang “Anti-Game Fixing Act.
Layunin nito na patawan ng mabigat na parusa ang mga sangkot sa game-fixing, point-shaving, at anumang uri ng pagmanipula sa mga amateur o professional sports competition.
Kapag naging batas, ang mga lalabag ay makukulong ng tatlo hanggang anim na taon, pagmumultahin ng P1 million hanggang P5 million at hindi na kailanman papayagang lumahok sa sports.
Ang lalabag naman na isang manlalaro, promoter, referee, umpire, judge, o coach ng laro ay makukulong ng anim hanggang 12 taon at pagmumultahin din ng P1 milyon hanggang P5 milyon.
Multang P10 milyon hanggang P50 milyon naman ang ipapataw sa mga sindikatong gagawa ng ganitong krimen habang ang magtatangka o mag-aalok ng game-fixing ay makukulong ng isa hanggang tatlong taon at pagmumultahin ng P500,000 hanggang P1 milyon.
Ayon kay Committee on Youth and Sports Development Chairperson at Isabela Rep. Faustino Michael Carlos Dy III, na siyang nag-sponsor ng panukala, sa larangan ng sports o palakasan ay mahalaga ang panalo na nakamit sa patas na laban.