Panukalang amyenda sa batas na nagtatakda ng tatlong taong fixed term sa mga matataas na opisyal ng AFP, tinalakay na sa Senado

Inumpisahan nang talakayin sa Senado ang panukala na pag-amyenda sa bagong batas na nagtatakda ng ‘fixed-term’ sa mga matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense na pinangunahan ni Senator Jinggoy Estrada, Chairman ng komite, ay naisa-isa ang mga isyung kinaharap ng mga militar sa bagong pasang batas.

Dito ay inirekomenda ni Defense Secretary Carlito Galvez Jr., na sa halip na ‘fixed-term’ ay gawing ‘maximum-term’ ang tenure ng mga opisyal ng hukbong sandatahan ng bansa.


Ibig sabihin, anumang oras ay maaaring mapalitan ng ranggo o hindi tapusin ang buong termino ng mga opisyal hindi tulad noong una na kailangang tapusin ang tatlong taon na termino.

Kabilang sa rekomendasyon ng Kalihim ang maximum na tatlong taong termino para sa AFP Chief of Staff, dalawang taon naman sa Commanding General ng Philippine Army, Philippine Airforce at Philippine Navy habang apat na taon sa Superintendent ng Philippine Military Academy (PMA).

Ang Vice Chief of Staff, Deputy Chief of Staff, Unified Command Commanders at Inspector general ay pupwedeng maitalaga basta may isang taon pa sa serbisyo.

Sa halip na sundin ang unang plano na i-adopt ang bersyon ng Kamara ay inaprubahan sa committee level ng Senado ang naging suhestyon ng AFP.

Facebook Comments