Panukalang batas na gawing krimen ang panloloko sa online na pag-order, lusot na sa Senado

Sa botong pabor ng 23 mga senador ay lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill No. 2302 o panukalang batas na gawing krimen ang hoax ordering o panloloko sa pag-order online ng iba’t ibang produkto tulad ng pagkain, gamot, at groceries.

Iniakda nina Senators Koko Pimentel at Lito Lapid ang nabanggit na panukala na layuning protektahan ang mga rider ng delivery app na nabibiktima ng mga manloloko, nagkakansela o ayaw magbayad ng kanilang orders.

Mahigpit na ipinagbabawal ng panukala ang pagkansela sa orders maliban kung may ganitong option ang delivery service app at bawal din ang paggamit ng pangalan ng ibang tao o pag-imbento ng pangalan.


Itinatakda rin ng panukala ang ‘know-your-customer rule’ kung saan dapat munang ibirepika ng service provider ang pagkakakilanlan at address ng customer na iingatan alinsunod sa Data Privacy Act.

Malinaw sa panukala na krimen kapag tumangging magbayad ang um-order at bawal din na obligahin ng service provider ang rider na mag-abono.

Sinumang lalabag ay mahaharap sa parusang kulong na isang taon at anim na buwan at multa na hanggang P100,000.

Facebook Comments