Top Most Wanted Person na Nanaksak ng Tatlong Katao, Timbog

30
Cauayan City, Isabela- Nahulog na sa kamay ng mga alagad ng batas ang Number 1 Top Most Wanted Person sa bayan ng Sto. Niño, Cagayan matapos ang ilang taong pagtatago nito sa batas sa Maynila.

Nakilala ang suspek na si Vincent Labbao, 35 taong gulang, optical Store helper at residente ng Brgy 375 Tambunting Street, Sta Cruz, Manila na tubong Barangay Calapangan, Sto Nino, Cagayan.

Batay sa ulat ng PNP Sto Niño, nadakip si Labbao sa Emerita Building, Brgy 464, Sta Cruz, Manila sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong tatlong (3) bilang ng frustrated homicide na isinilbi ng pinagsanib-pwersa ng Sto Ni ño Police Station, Regional Group on Special Concern at ng Provincial Intelligence Unit ng Cagayan sa pakikipag-ugnayan sa Manila Police District Police Station 10, Pandacan, Manila.

May inirekomendang piyansa naman ang korte na halagang P72,000 pesos sa kada isa na naitalang kaso ni Labbao para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Matatandaan na nag-iinuman ang tatlong biktima na sina Jaylord Piano, Bong Basbas at Antonio Ventura sa bahay rin ni Ventura nang dumating ang suspek na noo’y nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin at basta na lamang pinagsasaksak ang tatlo.

Nagtamo ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang tatlong biktima na isinugod rin sa ospital habang ang suspek naman ay kaagad na tumakas pagkatapos ng insidente.

Facebook Comments