
Inaprubahan na ng House Committee on Labor and Employment ang pinagsama-samang mga panukalang batas para sa pantay-pantay na sahod ng mga manggagawang Pilipino sa buong bansa.
Nakapaloob sa panukala ang pagtatag ng National Minimum Wage System na magsusulong ng pantay na oportunidad sa suweldo sa lahat ng rehiyon sa bansa.
Ipinag-uutos ng panukala ang pagbuwag sa Regional Tripartite Wages and Productivity Boards, na papalitan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC).
Ayon sa chairman ng komite na si Cavite 1st District Representative Ramon Jolo Revilla III, tugon ang panukala sa matagal nang isyu ng hindi patas na pagtrato sa mga manggagawa sa Pilipinas.
Sabi ni Revilla, tutuparin ng panukala ang kanilang ipinaglalaban na gawing magkakapareho ang sahod ng mga manggagawa sa bansa, saan mang rehiyon sila nagtatrabaho.









