Manila, Philippines – Tiwala si Senator Francis Tolentino na uusad ngayong 18th Congress ang panukalang emergency powers para kay Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng dalawang taon.
Sa inihaing Senate Bill number 213 ni Tolentino, layon nitong maresolba ang matinding problema sa trapiko sa kalakhang Maynila at iba pang lungsod sa bansa.
Sa interview ng RMN Manila kay Tolentino – magde-deklara ng national emergency sa Metro Manila, Metro Cebu at iba pang lungsod na matindi ang problema sa trapiko.
Itatalaga aniya ang kalihim ng Department of Transportation (DOTr) bilang traffic crisis czar kung saan bubuo ng traffic crisis action and mobilization plan na maglalatag ng detalyado at kongkretong hakbang para maresolba ang problema sa traffic.
Itinuturing ni Tolentino na national emergency ang matinding traffic na may epekto sa ekonomiya.
Batay sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency o JICA, nasa 3.5 billion pesos ang nawawala sa ekonomiya ng bansa kada araw dahil sa problema traffic.