Sa botong pabor ng 287 mga kongresista ay lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ang House Bill 8203 o panukalang Bureau of Immigration (BI) Modernization Law.
Ang panukala ay isa sa mga priority measure ng Legislative Executive Development Advisory Council o LEDAC ngayong 19th Congress at nakalinya sa “economic agenda” ni Pangulong Bongbong Marcos.
Layunin ng panukala na mapahusay ang serbisyo ng BI, maisulong ang propesyunalismo at maitaas ang sweldo at benepisyo ng mga opisyal at empleyado ng BI.
Target din ng batas na ma-improve ang “travel experience” habang hinihigpitan ang “border security.”
Nakapaloob din sa panukala ang Immigration Trust Fund o ITF na manggagaling sa annual income mula sa fees, fines, at penalties at ito ay gagamitin para sa information technology projects ng BI na magpapahusay sa kakayahan ng Immigration officers.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, maraming ng teknolohiya ang nagbago kaya panahon ng mapasok sa digital age ang BI.