Nakatawid na sa ikalawang pagbasa ng House of Representatives ang House Bill 9349 o Absolute Divorce Bill bilang alternatibong paraan ng pagpapawalang bisa ng kasal sa ating bansa.
Layunin ng panukala na mas padaliin ang proseso ng pagpapawalang bisa ng kasal ng mag-asawa para sila ay mapahintulutan na magpakasal muli sa iba.
Ayon sa pangunahing may-akda ng panukala na si Albay 1st District Representative Edcel Lagman, hangarin ng panukala na maisalba ang mga anak mula sa sakit at pagdurusa bunga ng walang humpay na pag-aaway ng kanilang mga magulang na wala nang paraan para mapagkasundo pa.
Base sa panukala, pwedeng basehan ng petisyon para sa diborsyo kung limang taon ng hiwalay ang mag-asawa, psychological incapacity, irreconcilable differences, domestic or marital abuse, annulment at legal separation.