Inaasahan na mula sa pagbubukas ng 2nd regular session ng 19th Congress sa July 24 ay matatalakay na sa plenaryo ng Kamara ang House Bill 8463 o panukalang Disaster Food Bank and Stockpile Act na inaprubahan na ng House Committees on Disaster Resilience.
Nakapaloob sa panukala ang pagtatayo ng disaster food bank and stockpile sa bawat probinsya at urbanized city na siguradong magagamit tuwing may kalamidad.
Inaatasan ng panukala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na manguna sa pagtatayo ng stockpile.
Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) naman ang magdedisenyo at magtatayo ng mga calamity-proof warehouse kung saan itatago ang mga suplay at ang estratehikong lokasyon nito ay tutukuyin ng NDRRMC.
Base sa panukala, magpapatupad ng computerized system para sa real-time monitoring ng petsa ng expiration at shelf-life ng mga goods sa stockpile para matiyak na walang masasayang o mabubulok sa mga ito.
Sa ilalim ng panukala, ang stockpile ng pagkain ay maaari nang ipamigay ng DSWD sa mga mahihirap na komunidad kung hindi ito magagamit makalipas ang 12 buwan na pagka-imbak sa warehouse.