Malabong makalusot sa Kongreso ang panukalang amyendahan ang economic provisions ng 1987 Constitution.
Ito ang pahayag ng political analyst na si UP Prof. Clarita Carlos matapos na maaprubahan sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang Economic Charter Change o Cha-Cha.
Sa interview ng RMN Manila, iginiit ni Carlos na hindi maaaring mag-amyenda ng Konstitusyon sa pamamagitan lamang ng congressional actions.
“Palagay ko hindi yun makakalusot because an act of Congress will not change the constitutional provisions,” ani Carlos.
“Pangalawa, paulit-ulit kong sinasabi na hindi mo pwedeng galawin lang yung isang parte ng body policy kasi nakatukod siya sa ibang parte ng ating sistema. So, yang economic provision na ‘yan assuming na makapasa siya, pwede yang harangin ng political, di ba, hindi ba nila nakikita yon?” dagdag niya.
Layon ng panukala na baguhin sa Kongreso ang constitutional limits ng mga foreign investments sa bansa para muling maibangon ang ekonomiya.
Sa ilalim kasi ng kasalukuyang Konstitusyon, 40% lamang ng mga lupain at negosyo sa Pilipinas ang pwedeng maging pag-aari ng mga dayuhan.