Panukalang iksian ng dalawang linggo ang summer break sa pampublikong paaralan, binabawi na ng DepEd

Binabawi na ng Department of Education (DepEd) ang panukalang iksian ng dalawang linggo ang summer break para sa mga mag-aaral matapos itong makatanggap ng batikos mula publiko.

Ayon kay Education Undersecretary Diosdado San Antonio, isa ito sa kanilang pagpipilian pero dahil sa mga batikos na nagmula rin sa mga stakeholders ay i-aatras na nila ang nasabing plano.

Nabatid na nitong Pebrero lamang nang sabihin ng DepEd ang pagpapalawig sa academic year sa mga pampublikong eskwelahan hanggang Hulyo 10, na dati ay hanggang Hunyo 11.


Kasabay nito, inihayag naman ni Education Usec. Nepomuceno Malaluan na magiging half-day na lamang ang klase ng mga mag-aaral, sakaling matuloy ang binabalak na pilot testing ng face-to-face classes sa mga pampublikong paaralan sa bansa.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Education, sinabi ni Malaluan na bagama’t kasi aniya papayagan na ang ganitong setup, kailangan pa ring mag-ingat sa banta ng COVID-19.

Maisasagawa aniya ito kung hindi magsasabay-sabay ang breaktime ng mga mag-aaral, dahil sa tahanan na lamang ng mga ito sila kakain.

Sa ngayon batay sa tala ng DepEd, umabot na sa 4,468 ang naitala nilang nahawaan ng COVID-19 sa kanilang mga empleyado at mag-aaral.

1,638 dito ang mga mag-aaral habang 2,830 naman ang mga empleyado ng DepEd.

Nangunguna ang Quezon Province sa dami ng kaso na mayroong 193, sinundan ng Batangas na 158 at Bataan na 128.

Facebook Comments