Iginiit ni Senate President Tito Sotto III na ang panukalang ipagpaliban ang 2022 elections ay maraming kakabit na controversial at unconstitutional issues.
Pangunahing tinukoy ni Sotto, kung sino ang manunungkulan at sino ang magtatalaga sa kanila dahil sa Hunyo 30, 2022 ay tapos na ang termino ng kasalukuyang mga nakapwesto.
Diin naman ni Committee on Electoral Reforms and People’s Participation Chairperson Senator Imee Marcos, dapat ituloy ang 2022 elections alinsunod sa konstitusyon.
Inihalimbawa rin ni Marcos ang maraming bansa na nakapagdaos ng halalan kahit may pandemya tulad ng South Korea, Taiwan, Belarus, Singapore, Iceland, Poland at US sa November.
Tiniyak naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi lulusot sa Senado ang nabanggit na panukala dahil siguradong walang senador ang mahihikayat na gumawa ng batas para maisakatuparan ito.
Itinuturing naman ni Senator Panfilo Ping Lacson na stupidity o kahangalan ang nabangit na panukala at walang saysay na ito ay pagdebatehan dahil paglabag ito sa konstitusyon kung saan hindi maaring mapalawig ang termino ng kasalukuyang mga halal na opisyal ng gobyerno.
Sabi naman ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan, kontra ito sa Saligang Batas at hindi rin maaring idahilan ang pandemya dahil maraming paraan na pwedeng gawin para matuloy ang eleksyon at maproteksyunan ang kalusugan ng mga nais bomoto.
Para naman kay Senator Christopher Bong Go, dapat pag-aralan ang ibang alternatibong paraan gamit ang teknolohiya kung paano maisasagawa ang eleksyon sa paraan na malinis, may kredibilidad, naaayon sa batas, at ligtas para sa mamamayan.
Sabi naman ni Senator Sonny Angara, dapat ituloy ang 2022 elections pero kailangang maglapat ng pagbabago sa proseso para maiakma sa kasalukuyang sitwasyon dulot ng COVID 19 pandemic.