Hindi pabor ang Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) sa panukala ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na isapubliko na ang pangalan ng mga nagpositibo sa COVID-19.
Sa interview ng RMN Manila kay ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, binigyang-diin nito na bagama’t maganda ang hangarin ng ECOP para mapabilis ang contact tracing, kinakailangang isaalang-alang pa rin ang epekto nito sa indibidwal na nagpositibo sa COVID-19.
Maging ang National Privacy Commission (NPC) ay sinabing wala pang siyentipikong basehan na kinakailangang isapubliko ang pangalan ng mga tinamaan ng virus.
Sa interview ng RMN Manila kay NPC Chairman Raymund Liboro, sinabi nito na wala pang gumagawa nito sa buong mundo.
Batay aniya sa World Health Organization (WHO), mas malaki ang magiging negatibong epekto sa isang indibidwal kung papangalanan ito.