Inaprubahan na ng Committee on Health na pinamumunuan ni Senator Christopher “Bong” Go ang panukalang magbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte para suspendihin ang pagtataas ng contribution ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) habang may national emergency tulad ng COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng Universal Health Care Law ay epektibo nitong January 2021 ang pagtaas sa 3.5 percent ng dating 3 percent na monthly contribution ng PhilHealth members.
Pero giit ni Senator Go, base sa isinagawang pagdinig ng Komite ay nakita nilang mayroong reserve fund ang PhilHealth na magagamit para sa mga miyembro kahit hindi muna itaas ang kanilang buwanang contribution.
Sa pagdinig ay sinabi naman ni PhilHealth President and CEO Dante Gierran na pabor sila sa panukala pero aminadong ito ay magdudulot ng pagbaba ng kanilang koleksyon lalo’t nasa limang milyon ang hindi na nakapagbayad ng kontibusyon dahil nawalan ng trabaho.