
Inisponsoran na sa plenaryo ni Senator Robinhood Padilla ang panukalang Child Online Safety and Protection Act na layong maprotektahan ang mga kabataan laban sa panganib na maidudulot ng paggamit ng social media.
Sa sponsorship speech ni Padilla na Chairperson ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, layon ng panukala na magtakda ng minimum age para sa paggamit ng social media at obligahin ang mga social media platforms na magpatupad ng mga hakbang na poprotekta sa mga kabataan laban sa cyberbullying, exploitation, harmful content at iba pang online risks.
Nilinaw ni Padilla na ang panukalang batas ay para sa mas ligtas at mas responsableng digital na kinabukasan sa mga kabataan at hindi para kitilin ang karapatan ng mga batang gumamit ng teknolohiya.
Sa ilalim ng panukala, itatakda sa 16 taong gulang ang minimum age ng mga kabataang papayagang magkaroon ng social media account.
Obligado ang mga social media platforms na magpatupad ng age-assurance system para maiwasan na makalikha o makapag-maintain ng social media account ang mga batang edad na mas mababa sa 16.
Hindi naman saklaw ng restrictions na ito ang mga digital platforms na sertipikado ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa educational at learning purposes.










