Manila, Philippines – Mariing tinutulan nina Senators Francis Kiko Pangilinan at Risa Hontiveros ang panukalang inaprubahan ng house justice committee kung saan mula 15 years old ay ibinabababa sa 9 years old ang criminal responsibility.
Giit ni Pangilinan sa halip na pagdiskitahan ang mga bata ay dapat mga malalaking kriminal o mga sindikato ang tutukan.
Paliwanag ni Pangilinan, ginagamit lamang ng mga sindikato ang mga batang nasa kalye, palaboy-laboy, gutom, mga ulila at hindi nakakakapag-aral.
Diin naman ni Senaror Hontiveros, dapat gamitin ang mabigat na kamay ng batas sa mga big-time drug lords, smugglers at mandarambong at hindi sa mga bata.
Batid naman ni Hontiveros ang pangamba ng publiko sa mga menor de edad na sangkot sa pambabato ng mga sasakyan, bentahan ng droga, nakawan at karahasan.
Pero katwiran ni Hontiveros, ang dapat gawin ay solusyunan ang dahilan kung bakit nasasangkot ang mga bata sa masasamang gawain, tulad ng kahirapan, kawalan ng oportunindad at kawalan ng daan para sila ay maisailalim sa rehabiltasyon.