Inihain ni Senator Lito Lapid ang Senate Bill 2334 o “Medical Bill Transparency Act” na nag-oobliga sa mga ospital o healthcare institutions na maging transparent sa kanilang sisingilin sa pasyente.
Pinapasapubliko ng panukala ang presyo ng serbisyo, gamot at ibang bayarin ng mga ospital at health care providers para makapagkumpara at makapili ng mura ang mga pasyente.
Higit sa lahat, ayon kay Lapid, kailangan ng isang malinaw na monitoring system para matiyak ng secretary of health kung sumusunod ba ang lahat sa hangaring transparency ng batas.
Ayon kay Lapid, malaking tulong ang Universal Health Care (UHC) Law para masigurong makatatanggap ng de-kalidad at abot-kayang pagpapagamot at check-up ang ating mga kababayan.
Pero paliwanag ni Lapid, iniinda pa rin ng maraming Pilipino ang “surprise billing” ng mga ospital na malaking dagok lalo sa mga kaanak ng may sakit.
Inaatasan din ng panukala ang Department of Finance (DOF) na maglatag ng guidance para matulungan ang publiko sa pagpili ng health insurance.