Panukalang National Government Rightsizing Program, lusot na sa Kamara

Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kupulungan ang House Bill 7240 o panukalang National Government Rightsizing Program.

292 na mga kongresista ang bomoto pabor sa panukala na layuning maalis ang doble-doble at overlapping sa trabaho ng iba’t ibang ahensya upang bumilis ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko.

Tatlo naman ang tumutol sa panukala na kinabibilangan nina ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas,at Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel sa dahilang marami ang mawawalan ng trabaho.


Sa ilalim ng panukala ay bibigyan ng kapangyarihan ang pangulo na magsagawa ng pagbabago sa organizational structure ng mga ahensya sa pamamagitan ng itatatag na Committee on Rightsizing.

Bubuuin ito ng Executive Secretary bilang chairman, kasama ang mga kalihim ng Department of Budget and Management (DBM) at National Economic and Development Authority (NEDA), gayundin ang chairman ng Civil Service Commission (CSC) at director general ng Anti-Red Tape Authority (ARTA).

Binibigyan naman ng opsyon ang Lehislatura, Hudikatura, mga constitutional commission, Office of the Ombudsman at lokal na pamahalaan na sundan ang rightsizing ng Ehekutibo.

Hindi naman kasama sa rightsizing ang teaching o teaching related positions sa elementarya, sekondarya technical vocational schools, state universities and colleges at non-chartered tertiary schools.

Hindi rin nito saklaw ang medical items sa mga ospital at iba pang medical facilities at military o uniformed personnel sa Department of National Defense (DND), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Transportation (DOTr), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Justice (DOJ).

Facebook Comments