
Isinulong ni Cavite 1st District Representative Jolo Revilla na mabigyan ng baon ang mga estudyante sa pampublikong paaralan upang magkaroon sila ng lakas at konsentrasyon sa pag-aaral.
Sa House Bill 85 o panukalang ‘Baon Para sa Scholar ng Bayan Act’ ay pinabibigyan ni Revilla ng ₱1,000 kada taon ang mga mag-aaral sa Kindergarten hanggang Grade 8 habang ₱2,000 naman kada taon sa mga Grades 9 to 12 students.
Inaatasan ng panukala ang Department of Education (DepEd) na bumuo ng programa at monitoring system para sa tamang distribusyon ng tulong alinsunod sa Data Privacy Act .
Tinukoy ni Revilla ang report ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) na ang gutom dahil sa kahirapan ay nakakaapekto academic performance, classroom participation, at school retention ng mga mag-aaral.
Ipinunto ni Revilla na kung masigurong may baon ang bawat estudyante ay mas mababawasan ang bilang ng mga kabataang napipilitang huminto sa pag-aaral dahil sa kakulangan ng panggastos.









