Kinuwestyon ni Senador Panfilo Lacson ang panukala ng Department of National Defense (DND) na ilipat ang ₱35 bilyon modernization fund mula sa regular budget ng Armed Forces of the Philippines papunta sa Special Purpose Fund (SPF).
Paliwanag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang SPF ay hindi katulad ng regular budget na hindi na maaaring gamitin pagkalipas ng isang taon.
Dagdag pa ni Lorenzana, ang pagbili ng assets ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay multi-year dahil hindi sapat ang isang taon para mabuo ang kanilang mga kontrata.
Pero giit ni Lacson, sa ilalim ng AFP Modernization Program, ang pagbili ng equipment ay government-to-government.
Diin ni Lacson, ang pondong ililipat sa SPF ay magiging “lump sum” na maaari lamang i-release kapag inaprubahan ng Pangulo.
Ayon kay Lacson, baka magkaproblema kung aalisin sa regular budget ang AFP modernization fund.
Sinang-ayunan din ni Sen. Ronald dela Rosa, na pinuno ng Senate Finance Subcommittee, ang panukala ni Lacson na panatilihin sa regular fund ang nasabing pondo.