Panukalang pagtatag ng Department of Disaster Resilience, muling inihain sa Senado

Muling inihain ni Senator Christopher “Bong” Go ang panukalang pagtatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) na layuning maihanda o mapanatiling ligtas ang mga komunidad laban sa mga kalamidad tulad ng bagyo na madalas tumatama sa ating bansa.

Sabi ni Go, pangunahing mandato ng DDR na bago pa man dumating ang bagyo o inaasahang kalamidad ay mayroon ng nakikipag-ugnayan sa Local Government Units (LGUs), nakaposisyon na rin ang mga relief goods at nailikas na ang mga residente sa delikadong lugar.

Sabi ni Go, paghupa ng kalamidad tulad sa pag-alis ng bagyo ay agad na ikakasa ng DDR ang pagbangon at pagbalik sa normal ng mga sinalantang lugar para rin maisaayos agad muli ang buhay ng ating mga kababayang naapektuhan nito.


Nakapaloob din sa panukala ang paglikha ng Integrated Disaster Resilience Information System na magsisilbing database ng lahat ng Disaster Risk Reduction and Climate Change Information.

Ang nabanggit na mga impormasyon ay may malaking maitutulong para sa mabilis na pagpapasya, paglalatag ng nararapat o mahusay na mga hakbang at koordinasyon mula sa national at local levels ng gobyerno.

Iniuutos din ng panukala ang pagbuo ng National Disaster Operations Center and Alternative Command and Control Centers na syang magbabantay, mamamahala at agad na tutugon sa mga kalamidad.

Magkakaroon din ng Disaster Resilience Research and Training Institute na magkakaloob ng training at maglilikom, mamamahala at mamamahagi sa mga kailangang impormasyon para mapahusay ang katatagan ng bansa laban sa mga kalamidad.

Facebook Comments