Panukalang reporma sa PhilHealth, hiniling ng may akda na suportahan ng mga kasamahan sa Kamara

Umaapela si Marikina Rep. Stella Quimbo sa Ehekutibo at sa mga kasamahan sa Kamara na suportahan ang kanyang panukala na layong ireporma ang sistema ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.

Sinimulan nang talakayin sa House Committee on Health ang Social Health Insurance Crisis Bill na inihain pa nito noong 2020 sa gitna na rin ng imbestigasyon sa isyu ng PhilHealth kabilang na ang hindi pagbabayad ng utang sa mga ospital.

Giit ni Quimbo, higit lalo ngayon ay kailangan ng komprehensibong reporma sa state health insurer kung nais nating matiyak na lahat ng mga Pilipino ay may access sa tamang pangangalaga sa kalusugan.


Layunin ng panukala na tulungan ang PhilHealth na paghusayin ang kanilang operasyon at fiscal management sa pamamagitan ng pag-outsource ng mga expert mula sa pribadong sektor.

Paliwanag ng kongresista, ang mga ito ang aayos sa sistema at magsasanay sa mga empleyado lalo pa’t maraming mahuhusay na indibidwal sa private sector ang may kakayahang mamahala ng health insurance programs.

Hindi lang aniya nag-a-apply ang mga ito sa PhilHealth dahil sa bigat ng problema ng ahensya at mababang sweldo.

Sinegundahan din ng mambabatas ang naging obserbasyon ni Health Usec. Mario Villaverde na nagiging cycle na lang din ang problema sa PhilHealth dahil sa madalas na pagpapalit ng leadership at hindi natututukan ang mga dapat na ayusin sa ahensya.

Kahit ang Governance Commission for GOCCs (GCG) na ayon kay PhilHealth President and CEO Dante Gierran ay nagpapatupad na ng reporma sa state health insurer, mismong ang GCG ay umamin na wala silang eksperto pagdating sa health insurance.

Facebook Comments